TFC News

Special passport appointment system para sa active OFWs, inilunsad

Jerome Fadriquela | TFC News

Posted at Sep 11 2021 03:53 AM

Mas magiging mabilis na ang passport renewal process para sa active OFWs dahil sa bagong special online system na inilunsad ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Robinsons Galleria consular office sa Ortigas.

Ayon sa DFA, dahil sa pagdami muli ng mga papaalis na OFWs dahil sa pagluluwag ng COVID-19 restrictions sa iba-ibang bansa at pagdagsa muli ng passport renewal applicants kaya minabuti nilang ilunsad ang nasabing special online appointment system.

Sa eligible passport applicants , kailangan ipakita ang kanilang valid working visa o re-entry visa para sa land-based OFWs.

Para sa sea-based OFWs, kailangan ipakita ang kanilang valid seaman’s book naman na may arrival stamp na hindi hihigit  sa 364 araw mula sa date of application.

Ang isang aplikante ay kailangan ipakita ang mga sumusunod: Valid Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) E-card; latest overseas employment certificate receipt; at latest OFW information sheet mula sa Philippine Overseas Employment Administration.

Maaring mag-book ng appointment sa www.passport.gov.ph, i-select ang DFA NCR Central site (Robinsons Galleria-Active OFW Lane).

Para naman sa mga OFW na hindi kwalipikado, maaring mag-book ng appointment sa ibang DFA sites.

Source: DFA website/ PNA website