PatrolPH

Rehistro sa COVID-19 vaccination para sa edad 12-17 sa Maynila, umarangkada na

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2021 10:47 AM

COVID-19 vaccination sa Maynila noong Aug. 28, 2021. George Calvelo, ABS-CBN News
COVID-19 vaccination sa Maynila noong Aug. 28, 2021. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA— Maaari nang magparehistro para sa COVID-19 vaccination ang mga edad 12 hanggang 17 sa lungsod ng Maynila, ayon kay Mayor Isko Moreno.

Pero paglilinaw ni Moreno, ito ay para sa registration muna nila habang naghihintay pa rin ng go signal mula sa national government kung pwede nang bakunahan ang mga kabataan.

Hindi pa kasi pinapayagan ng awtoridad sa bansa ang pagbabakuna sa mga menor de edad dahil sa kakulangan ng suplay ng bakuna. Matatandaang sinabi na rin ng mga ito na bawal pa ang booster shots dahil sa parehong dahilan.

Dagdag naman ni Moreno, binuksan ng Manila local government ang pagpaparehistro ng mga kabataan matapos aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagturok ng bakuna sa edad 12 hanggang 17 gamit ang Pfizer at Moderna vaccines. 

"Nag-aalala na mga magulang, siyempre hindi mo masisisi ang mga nanay at tatay dahil maraming bata ang nagkakasakit dahil hindi sila bakunado," ayon sa alkalde. Pero dagdag niya, wala pang dumarating na bakuna kaya di rin sila makapagsimula magpabakuna," ani Moreno. 

Matatandaang binuksan na rin ng Pateros ang online registration para sa mga residenteng menor de edad nitong linggo rin. 

Inililista naman sa Marikina ang contact details at pangalan ng mga magulang na nagtatanong kaugnay ng pagbabakuna ng mga menor de edad, pati ang pangalan ng kanilang mga anak.

Sa mga magulang sa Maynila, pwedeng puntahan ang website na ito at irehistro ang inyong anak na edad 12 pataas. 

Pagkatapos nito, antayin na lang ang announcement ng local government kung puwede na simulan ang pagbabakuna.

Nauna nang sinabi ng FDA na baka sa huling parte pa ng taon maaaring masimulan ang pagbabakuna sa naturang sector ng kabataan. 

>https://news.abs-cbn.com/news/09/04/21/fda-ph-may-list-teens-for-covid-19-jabs-by-end-2021

Nasa higit 16 million na ang indibidwal sa bansa na fully vaccinated, base sa datos ng gobyerno. Itinaas kamakailan ng gobyerno ang vaccination target sa 80 hanggang 90 porsiyento ng populasyon para makamit ang herd immunity laban sa virus.

— May ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News 

PANOORIN

Watch more on iWantTFC
 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.