Eksperto pabor sa COVID-19 booster shot para sa health workers

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2021 03:26 PM | Updated as of Sep 11 2021 08:00 PM

Video courtesy of PTV 

MAYNILA – Isang miyembro ng vaccine expert panel ang pabor na magkaroon ng booster shot ang mga health workers sa bansa, partikular ang mga tumanggap ng Sinovac COVID-19 vaccine.

Ayon sa infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante, may mga datos na nagsasabing humihina ang proteksyon na ibinibigay ng Sinovac makalipas ang 6 hanggang 8 buwan.

Ayon kay Solante, partikular ding bumababa ang epekto ng bakuna sa mga matatanda o may mahinang kalusugan matapos ang nasa 6 hanggang 8 buwan. 

Maaalalang mga medical frontliner ang mga unang binakunahan ng Sinovac nang magsimulang dumating ang suplay noong Marso. 

“Nakikita din naman natin ito sa ground. May mga mangilan-ngilan na talagang health workers ang nagkakasakit. Kadalasan naman mild lang, pero ‘pag nawawala sila doon sa areas nila, 14 days, malaking kawalan din iyan sa serbisyo natin,” ani Solante sa public briefing.

Watch more on iWantTFC

Ayon kay Solante, maaring makapagpataas ng proteksyon ang isa pang dose ng Sinovac bilang booster shot sa mga nauna nang nakatanggap ng full dose nito. 

Gayunman, ang Department of Health (DOH) umano ang gagawa ng assessment at kasamang magdedesisyon kung gagawin ang rekomendasyon ng mga eksperto. 

Bagama't hindi pa kumpleto ang ebidensya kung epektibo ang booster dose, sinabi rin ni Solante na hindi na kailangang hintayin na marami pa ang magkasakit o mamatay bago ito ipamahagi. 

“Paano ba natin kukunin ang ebidensya? ‘Pag nagkakasakit na lahat ng health care workers or mayroon nang mamamatay na health care workers? Iyan ang isa sa mga factor na tinitingnan ng [vaccine expert panel]," aniya.

"Hindi natin kailangan ng ebidensya na mamamatay ang mga health care workers o magkakasakit ang mga health care workers bago natin sila babakunahan,” dagdag ng eksperto. 

Nauna nang sinabi ng DOH na hindi pa pinapayagan ang booster shots dahil sa kakulangan sa suplay ng bakuna sa bansa. 

May mga nai-report namang mga kaso ng mga Pilipino na nag-vaccine hopping sa ibang siyudad sa Metro Manila para lamang maturukan ng ikatlong dose laban sa COVID-19. 

Mariin itong kinondena ng National Task Force Against COVID-19 pati na rin ng mga lokal na awtoridad. 

Nauna nang sinabi ng DOH at maging ng World Health Organization na hindi pa tamang panahon na magbigay ng booster shots dahil marami pang wala kahit isang bakuna laban sa COVID-19. 

WATCH

Watch more on iWantTFC