PatrolPH

Ilang parte ng Luzon hinagupit ng Bagyong Kiko

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2021 04:17 PM

Bagyong Kiko nanalasa sa Cagayan, Batanes 1
Bagyong Kiko nanalasa sa Cagayan, Batanes 2
Bagyong Kiko nanalasa sa Cagayan, Batanes 3

Ayon sa residenteng si Dennis Ballesteros Valdez, umabot nang halos 4 na oras ang pananalasa ng Bagyong Kiko. Nasira ang bubong ng ilang bahay sa Barangay Sinakan dahil sa lakas ng hanging dala ng bagyo. Larawan mula kay Dennis Ballesteros Valdez

Hinagupit ng Bagyong Kiko ang ilang bahagi ng Luzon, partikular na ang mga nasa Cagayan at Batanes mula nitong gabi ng Biyernes. 

Halos 7 oras binayo ng bagyo ang ilang bayan sa Cagayan bago mag-landfall at manalasa sa probinsiya ng Batanes. 

Bandang alas-10 gabi ng Biyernes ay naramdaman na ang pagbayo ng malakas na hangin at ulan sa Sta. Ana, Cagayan na pinakamalapit ang distansiya sa bagyo. 

Naranasan din ang bagsik ng bagyo sa bayan ng Calayan, Cagayan. Pabugso-bugso rin ang malakas na ulan. 

Tumagal ang ganitong sitwasyon hanggang alas-9 ng umaga, ayon sa ABC President na si Eric Nuñez. 

"Yung mga ilang bagyo na dumaan sa amin, mas malakas pa 'yung iba kesa dito… Medyo nagtagal si Kiko unlike other typhoons… Wala pong pumunta sa mga inihanda nating evacuation center, pumunta na lang sila sa kanilang kapitbahay," ani Nuñez. 

Malakas pa rin ang alon sa dagat bandang alas-10 ng umaga pero mas mabuti na ang panahon. 

Inaalam pa ng lokal na pamahalaan ng Calayan ang pinsalang idinulot ng bagyo, pero may palayan umanong naapektuhan. 

Nag-land fall din ang bagyo sa bahagi ng Ivana sa Batanes Sabado ng umaga. Malakas din ang naging pag-ulan sa bayan ng Basco, ayon sa mga residente. 

Nawalan ng kuryente ang bayan ng Sabtang at natanggal din ang bubong ng ilang bahay, batay sa kuha ni Dennis Ballesteros Valdez. 

Binaha naman ang ilang bahagi ng Lubao, Pampanga at ang boundary ng Daungan at Almacen sa Bataan. 

Sa ngayon ay inaalam pa ang detalye ng pinsala ng bagyo. 

Umabot sa signal No. 4 ang itinaas sa Batanes at Babuyan Islands sa pagdaan ng malakas na bagyo Sabado. Humina naman ito ng bahagya matapos mag-landfall.

— Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.