MAYNILA - Apektado ang kita ng mga nagbebenta ng bulaklak at kandila ngayong may mga plano at hirit na ipasara ang lahat ng mga sementeryo sa Metro Manila pagdating ng Undas para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus.
Ayon sa ilang vendor na nakapuwesto sa harap ng gate ng Manila North Cemetery, nasa P20,000 ang mawawala sa bawat isa sa kanila sa loob ng 3 araw na sarado ang sementeryo.
Isa sa mga nagbebenta si Omega Castell, tindera ng kandila at bulaklak. Ito aniya ang unang pagkakaton na hindi siya makakapagbenta sa darating na Undas.
"Wala naman po tayo magagawa kasi nag-pandemic... Pero natutuwa naman kami kasi binigyan kami ng 1 month na puwede magtinda para sa Undas, 3 days lang naman ang mawawala eh, puwede na kami bumalik," ani Castell, na 20 taong nagbebenta sa bangketa.
Maaalalang ipinapasara ang mga sementeryo sa Maynila pagdating ng Undas - simula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3 - para maiwasan ang siksikan sa loob lalo na't may pandemya pa rin.
May ilan naman, tulad ng flower shop owner na si Ely Rance na taga-Quezon City na mas malaki ang mawawalang kita kung matuloy ang sabi ng Metropolitan Manila Development Authority na sang-ayon ang lahat ng lokal na pamahalaan ng Metro Manila sa pagsasara ng mga sementeryo.
Aabot aniya sa P100,000 ang kita niya taon-taon tuwing Undas.
"Naiintindihan natin na may epidemya tayo, kailangang umiwas sa maraming tao dahil punong-puno kasi diyan eh, as in wala kang makita, parang piyesta talaga," ani Rance.
Labis din na maaapektuhan ang negosyo sa Dangwa. Ayon sa flower arranger na si Jun Ulip, nasa P15,000 ang kinikita tuwing Undas, pumapangatlo sa Valentine's at Mother's Day.
Umaasa siyang marami ang bibili ng bulaklak at dadalaw sa sementeryo bago mag-Undas.
"Maaga na lang po sila mamili dahil sarado po sa araw ng Undas," ani Ulip.
Suportado rin ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield ang pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo para maiwasan ang hawahan.
"Kung kaya't 'yan ay isasara at gagawin po 'yang i-spread out sa ibang araw ay napakaganda po niyan. Ang ating kapulisan kung magkaroon man ng mga peculiarities 'yan ay mag-a-adjust kung ano man po ang ipatutupad na base pa rin po sa overall guidelines na ilalabas ng Inter Agency Task Force," ani JTF COVID Shield commander Guillermo Eleazar.
Magpupulong ang Metro Manila Council sa Linggo para sa ibababang guidelines ng LGU.
-- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, flower, Undas, Undas flowers, Undas businesses, Undas during COVID-19, Undas 2020, Undas 2020 updates