Ilang 'solvent youth' sa Pasig patuloy sa bisyo sa kabila ng pandemya

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2020 08:04 PM

MAYNILA — Isang grupo ng mga kabataan sa Pasig City ang sinita ng mga awtoridad dahil sa paglabag sa curfew at sa health protocols.

Nakahubad, walang face mask, at sumisinghot ng solvent ang grupo ng mga kabataang na may edad 14 hanggang 20 na namataan sa Barangay Kapasigan madaling-araw ng Biyernes.

Hindi nila alintana ang panganib at sakit na puwede nilang makuha sa gitna ng pandemya.
 
Sinita sila ng mga tauhan ng Bantay Pasig. Nakiusap ang mga tambay na huwag na silang isama sa barangay at uuwi na lang sila.

"Tinanong namin bakit ayaw nilang matulog sa bahay. Ang always reason nila ay malamok daw sa kanila tapos may hinahantay daw po," sabi ni Jason Gaborne ng Bantay Pasig.

Wala rin silang magawa kundi pagsabihan lang ang mga kabataan dahil karamihan sa kanila ay mga menor de edad.
 
Umalis ang mga kabataan matapos sitahin pero hindi nagtagal ay bumalik rin sa dating tambayan nang makitang wala na ang mga awtoridad.
 
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Pasig, paiigtingin pa nila ang operasyon at pananagutin na ang mga magulang ng mga tinaguriang 'solvent youth.'
 
"Pag may illegal activities sa mga lansangan namin, hindi namin ito-tolerate yan... Kailangan silang kasuhan, ituloy sa prosecutor para magtanda. Kailangan managot ang mga magulang," ani Jeronimo Manzanero, city administrator ng Pasig City.

—Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.