MAYNILA - Eere ang sariling television channel ng Department of Education sa Laguna na magagamit sa distance learning sa pagbubukas ng klase sa Oktubre.
Nilagdaan ng DepEd sa Laguna at ng Royal Cablevision Corp. ang isang memorandum of agreement para sa libreng TV channel na magagamit ng DepEd.
Eere ang programa sa Channel 24 ng isang cable TV, at nagsimula na ang test broadcast nito.
Magbo-broadcast ito mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, mula Lunes hanggang Sabado.
Walang gagastusin ang ahensiya at mga mag-aaral dahil libreng ipapagamit ng Royal Cable ang kanilang channel at mga kagamitan.
”Binigyan namin ng mga kagamitan ang mga city division katulad ng Cabuyao ng mga equipment na mayroon silang kapasidad na mag-transmiit ng mga learning materials nila mula sa kanilang mga headquarters,” ani Royal Cablevision Corp. General Manager Omar Salvador Galang.
Ayon kay Dr. Neil Angeles, Assistant Schools Division Superintendent ng DepEd sa Laguna, malaking tulong ang pagkakaroon nila ng sariling channel.
Educational television kasi ang isa sa napili na modalities ng mga estudyante sa kanilang enrollment survey.
"Ang central office po sa tulong ng regional office ay magbibigay po sila ng digital copies ng electronic self-learning modules na siya po naman ia-upload namin sa television na mapapanood po ng lahat ng mga mag-aaral na may cable access ng Royal Cable," ani Angeles.
"Ito po ay karagadagang instructions o karagdagang tool para mas lalo pang maunawaan ng mga bata ang mga lessons na nakapaloob po sa MELC, o most essential learning competencies," dagdag niya.
Patuloy namang naghahanap ang provincial government ng mga pamamaraan kung papaano makakatulong sa mga mag-aaral ngayong may kinahaharap na pandemya.
-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, education, edukasyon, distance learning, distance learning Laguna