14-day lockdown ipatutupad sa 9 na barangay sa Mariveles

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2020 08:30 PM

14-day lockdown ipatutupad sa 9 na barangay sa Mariveles 1

Inaprubahan na ng Regional Inter-Agency Task Force nitong Biyernes ang mungkahi ng bayan ng Mariveles sa Bataan na ilagay sa dalawang linggong localized lockdown ang siyam na barangay.

"Our proposed localized lockdown has just been approved and concurred by our Regional IATF," ayon kay Mayor Jocelyn Castañeda.

Simula sa Sabado, Setyembre 12 hanggang 25 ipatutupad ang lockdown sa mga sumusunod na barangay:

  • Balon Anito
  • Camaya
  • Ipag
  • Malaya
  • Maligaya
  • Poblacion
  • San Carlos
  • San Isidro
  • Sisiman

Magpapatupad ng mga alituntunin sa ilalim ng enhanced community quarantine sa mga barangay na naka-lockdown.

Mananatiling bukas ang mga palengke habang hindi pa isinasgawa ang mass testing sa vendors, habang ang mga hindi naman essential businesses ay hindi muna papayagang magbukas.

Ang mga manggagawang nakatira sa mga barangay na nasa ilalim ng lockdown ay hindi muna papayagang pumasok sa mga pabrika.

Isang tao kada tahanan lang din ang maaaring lumabas para bumili ng essential goods habang magkakaroon din ng curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.

Bukod dito, maglalagay rin ng mga checkpoint kada barangay na susuportahan ng mga public safety officers at kapulisan.

Wala ring papayagang pampublikong transportasyon sa mga barangay na nasa ilalim ng lockdown.

Umapela naman ang alkalde na maging mahinahon at makiisa ang mga residente para na rin sa kaligtasan ng lahat.

Base sa report nitong Setyembre 9, ang bayan ng Mariveles ay nakapagtala ng 549 kaso ng COVID-19 kung saan 365 ang active cases. Sa kabuuan, 182 na ang gumaling habang dalawa naman ang nasawi. -- Ulat ni Rod Izon