SAPUL SA CCTV: Binatilyo nanloob ng bahay sa Sampaloc

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2019 05:57 AM | Updated as of Sep 11 2019 06:48 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Sapul sa CCTV ang pagnanakaw ng isang binatilyo sa isang bahay sa Sampaloc, Maynila nitong Lunes.

Natangay ni John Del Rosario, 19 anyos, ang ilang gamit, kabilang ang cellphone, tsinelas, at shades.

Kahit na may nakatalukbong na damit sa kaniyang mukha, nakilala pa rin siya ng mga awtoridad matapos makuhanan sa isa pang CCTV.

Matapos ang panloloob, dumaan si Del Rosario sa isang bakery at ginamit na pambayad ang perang nasa nakaw na pouch.

Naaresto ang suspek sa kanilang bahay sa Barangay 418 at narekober ang 3 cellphone at 2 Swiss knife.

Hinuli rin ang kaniyang amain na si Allan Nieves matapos makuhanan ng ilang nakaw na gamit, tulad ng sunglasses at relo.

Nasamsam din sa mag-ama ang tig-isang pakete ng hinihinalang shabu nang kapkapan ng mga pulis.

Kalalaya lang ni Del Rosario sa kulungan dahil sa kaso ng droga habang nasa drugs watch list naman ng barangay si Nieves.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.