P53 milyong halaga ng 'smuggled' na gulay mula China nasabat sa Maynila

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2019 04:22 PM | Updated as of Sep 11 2019 04:34 PM

Nasabat ng Bureau of Customs sa Port of Manila ang tinatayang P53 milyong halaga ng mga smuggled na gulay na galing umanong China. 

Ipinresenta ngayong Miyerkoles sa media ang mga container van na naglalaman ng aabot sa P20 milyong halaga ng carrots, P10 milyong halaga ng brocolli, P20 milyong halaga ng sibuyas, at P2.5 milyong halaga ng patatas. 

Aabot sa 16 container vans na ipinasok na mga gulay ang nakumpiska. 

Ayon sa BOC, idineklarang mga fishball ang laman ng mga container na dinala sa bansa noong Agosto 8. Pero nang inspeksiyunin ito noong Agosto 14, gulay ang tumambad sa kanila. 

Naglabas ang BOC ng warrant noong Setyembre 4 para kumpiskahin ang naturang produkto. 

Ipinag-utos na rin ng BOC ang kanselasyon ng accreditation ng consignee ng produkto na Shinerise Trading.

Nahaharap sila sa kasong paglabag sa section 1400 at Section 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act o Misdeclaration, Misclassification at Undervaluation ng mga goods. -- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.