Hawak na kaso ng Caloocan prosecutor na nakaligtas sa ambush sinisilip ng pulisya

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2019 05:54 PM

Posibleng may kaugnayan ang pamamaril sa isang Caloocan City prosecutor sa hinahawakan nitong kaso, ayon sa Caloocan Police.

Martes ng hapon nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek ang sasakyan ni City Prosecutor Elmer Susano. Ligtas naman si Susano sa insidente.

Ayon kay Caloocan Police chief Noel Flores, dati nang nakatanggap ng death threat si Susano sa pamamagitan ng text.

"We are looking into the cases handled by Susano as possible motive behind the ambush," ani Flores.

Sa kuha ng CCTV, makikitang lumalabas sa restoran si Susano at pumasok sa isang sasakyan.

Kasasara lang niya ng kaniyang pintuan nang biglang dumating ang isang motorsiklo, bumaba ang rider, at tsaka pinagbabaril ang driver's seat ng kotse.

Dumating ang isa pang motorsiklo at dumiretso ito sa bahagi ng kotse para sa pasahero at tsaka nagpaputok ng baril.

Nai-atras naman ni Susano ang sasakyan at tuluyang nakaalis.

Mula sa 9mm at .45 caliber na mga baril ang narekober na basyo ng bala.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, tinutututukan ng pulisya ang direksiyon na pinanggalingan at tinungo ng mga gunman.

Tinutukoy na rin ang plate number ng motor nito.

Hindi na nagbigay ng pahayag si Susano.

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.