ALAMIN: Parusa sa pagbebenta ng gamot, pagkain na di aprubado ng FDA

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2019 03:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa dami ng mga nabibili sa online shopping, nauuso na rin ang mga produkto na nangangakong makagagaling ng ilang problema sa kutis o malubhang sakit. 

Ang ilan nabibili kahit pa man hindi pa ito aprubado ng gobyerno. 

Babala ng abogadong si Claire Castro na mananagot ang sino mang nagbebenta ng mga gamot, food at skin products na hindi aprubado ng Food and Drug Administration. 

Alinsunod ito sa Republic Act 9711 o Food and Drug Administration (FDA) Act of 2009.

“Kung approved ito ng FDA walang problema ito. Pero kung hindi siya dumaan at nasa market, 'yun ang may problema. Kahit sabihin natin totoo 'yan at hindi dumaan sa market, bawal siya," ani Castro sa "Usapang de Campanilla" noong Martes. 

Kapag hindi raw kasi dumaan sa FDA ang produkto, may tsansang makakasama ito sa katawan. 

"Mahirap 'yan (malaman) unless may nangyari sa katawan natin. Halimbawa, bumili ako ng lipstick. Tapos bigla siyang namaga," ani Castro. 

"Ibig sabihin, mayroon siyang kemikal na hindi bagay for human consumption," dagdag niya. 

Payo ni Castro, dapat matingnan muna ng consumer kung FDA-approved ang binibili niyang produkto. Makikita ito kadalasan sa website ng ahensiya. 

Nanawagan din si Castro sa mga online shopping platform na suriin nang mabuti ang ipinapasok na produkto sa kanilang mga website. 

Maituturing na criminal offense ang false advertising, kung saan maaaring patawan ng pagkakakulong na 1 hanggang 10 taon at multang P50,000 hanggang P500,000 ang mapapatunayang may sala. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.