7 Chinese na nagtatrabaho sa dredging vessels nang walang permit timbog

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2019 08:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ngayong Miyerkoles ang 7 Chinese sa 2 dredging vessel sa bayan ng Masinloc, Zambales dahil sa umano ay kawalan ng work permit.

Bandang alas-3:30 ng hapon nang puntahan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) at Central Luzon police ang isang nakadaong na dredging vessel sa nasabing bayan.

Pag-akyat sa isa sa mga barko, naabutan ng mga awtoridad ang 5 Chinese sa mga cabin at isang Pinoy crew.

Ipinakita ng mga dayuhan ang kanilang mga pasaporte sa mga opisyal ng BI pero wala silang naipakitang working permit.

Samantala, 2 dayuhan ang nakita sa isa pang barko.

Sa pamamagitan ng translation app, sinabi ng mga dayuhan na may kumuha sa kanila para magtrabaho sa barko.

Nasa 10 buwan nang nagtatrabaho sa mga vessel ang mga Chinese national sa kabila ng kawalan ng work permit, ayon sa BI.

Dati pa raw minamanmanan ng mga awtoridad ang dredging operation, ayon kay Maj. Mark Louie Sigua ng Central Luzon police.

Sinabi naman ng Pinoy na crew na ang 2 barko ay pag-aari ng kompanyang Sandraw Movers and Development Corp.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa opisyal ng kompanya na si Teddy Cabacongan, itinanggi nitong Chinese vessels ang mga naturang barko at Marso pa raw sila nag-pre-dredging kasama ang Department of Public Works and Highways pero hindi na itinuloy.

Handa naman daw ang kompanyang makipagtulungan sa imbestigasyon.

Dadalhin sa tanggapan ng BI sa Maynila ang mga dayuhan para imbestigahan. -- Ulat ni Zyann Ambrosio, ASB-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.