6 na umano'y miyembro ng loan shark gang timbog, target mga casino player

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2019 01:00 PM | Updated as of Sep 11 2019 08:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA (UPDATE) - Anim na hinihinalang kidnapper na umano'y target ang mga casino player ang naaresto ng Philippine National Police (PNP) sa Pasay City Martes. 

Sa press conference sa Camp Crame nitong Miyerkoles ipinresenta ang mga suspek, kabilang ang retired navy officer na si Francis Reyes at seafarer na si Melvin Culala, na tumatayo umanong financier ng grupo. 

Nahuli rin ang mga umano'y spotter ng grupo na sina Nathaniel Aragon, Christopher Bagro, Rico Castillo, at Reynaldo Parolina.

Ani Police Col. Villaflor Bannawagan, hepe ng PNP Anti-Kidnapping Group sa Luzon, modus ng grupo na magpautang sa kanilang mga target kapalit ng collateral at mataas na interes. 

Dagdag ng PNP, kapag hindi nakapagbayad ang napautang na casino player ay dudukutin, ipatutubos at tatakutin. 

Ito ay kahalintulad na modus ng mga Chinese loan shark gangs na target naman ang mga Tsino na dumarayo sa bansa para maglaro sa mga casino. 

Naaresto ang mga suspek habang nagpapanotaryo ng titulo ng lupa at bahay na hinihingi umano nilang collateral mula sa mga biktima. 

Nasagip din ng PNP ang mga biktimang sina Eugenio Santos at Alvin Bangug. 

Setyembre 5 nang dukutin umano si Santos sa labas ng kanilang bahay sa Barangay Gulod sa Quezon City. Nagulat na lang siya nang makitang hawak din ng grupo si Bangug. 

Nahaharap sa kasong kidnapping ang anim na suspek. 

-- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.