3 toneladang imported pork products, hinarang sa Bacolod

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2019 06:26 PM

Walang dokumento ang imported pork meat products na hinarang ng African Swine Fever Task Force sa Bredco Port sa Bacolod City. Nico Delfin, ABS-CBN News

BACOLOD CITY - Hinarang ng African Swine Fever Task Force ang isang van na may kargang tatlong toneladang imported pork products sa Bredco Port, Miyerkoles ng hapon.

Napag-alamang walang dokumento ang mga pork meat at mechanically deboned meat na laman ng van.

Bukod sa walang meat inspection certificate, wala ring maipakita ang driver ng van na shipping permit kaya agad itong kinumpiska ng task force.

Ayon kay Dr. Ryan Janoya ng quick response team and quarantine team ng task force, pinuslit ang imported meat products mula Cebu bago pa man nakarating ng Bacolod.

Tinatayang nasa kalahating milyong piso ang halaga ng confiscated pork product.

Sinabi ni Governor Eugenio Jose Lacson na pansamantalang pinapatupad ang total ban sa imported meat products, lalo na ang galing Luzon upang makasiguro na ligtas ang probinsya laban sa African Swine Fever.