3 timbog sa Cavite drug bust

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2019 05:46 PM | Updated as of Sep 11 2019 05:47 PM

Tatlong suspek ang arestado sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa isa umanong drug den sa bayan ng Rosario, Cavite, sabi ng pulisya nitong Miyerkoles.

Kinilala ni Police Maj. Dhefry Punzalan, hepe ng Rosario police, ang mga suspek bilang sina Roger Tolentino, Arjay Villanueva, at Gaudencio Ravida.

Nangyari ang operasyon noong Huwebes sa bahay ni Tolentino sa Barangay Tejeros, na ayon sa pulisya ay isang drug den.

Hinuli ang mga suspek matapos makatransaksiyon umano ni Tolentino ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

"Marami nang reports sa station sa alleged drug den. 'Yong bahay ni Tolentino, ginagamit sa pagpa-pot session," ani Punzalan sa panayam ng ABS-CBN News.

Inamin ni Tolentino na 5 taon na siyang gumagamit ng droga pero itinangging nagbebenta siya.

Kasama sa mga parokyano ni Tolentino ang mga kaanak at kaibigan nito, ayon sa pulisya.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.