3 patay sa pananaksak sa loob ng bahay sa Leyte

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2019 07:54 PM

Tatlong bangkay ang natagpuang tadtad ng saksak sa isang bahay sa barangay Combis sa Dulag, Leyte. 

Kabilang sa mga namatay ang isang lalaki at mag-inang 20 at 50 anyos. 

Kuwento ng kaanak ng mag-ina nitong Miyerkoles, dumalo lang ang mga biktima sa nasabing bahay para makikain matapos ang pista sa bayan at hindi na umuwi. 

Natagpuan lang ang mga bangkay nitong Lunes, Setyembre 9. 

Naiuwi na ang bangkay ng lalaking biktima sa kaniyang barangay upang doon iburol. 

Nasa punerarya naman ang bangkay ng mag-inang biktima upang isailalim sa autopsy. 

Panawagan ngayon ng mga kamag-anak ng mga biktima na sana may mga witness na makatulong sa kanila upang mabigyang hustisya ang pagkamatay ng tatlo.

Dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa krimen hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Dulag PNP.

Pero napag-alaman na may hawak na suspek na ang pulisya ukol sa pangyayari.

Inaalam pa rin hanggang ngayon ang motibo ng krimen.

-- Ulat ni Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.