Suspek sa ikalawang pagsabog sa Isulan, tukoy na

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2018 02:14 PM

GENERAL SANTOS CITY - Inilabas na ng Police Regional Office 12 ang facial composite sketch ng suspek sa ikalawang pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat noong Setyembre 2 na ikinasawi ng dalawa at ikinasugat naman ng 14 na iba pa.

Ayon kay PRO12 Regional Director Chief Superintendent Eliseo Rasco, ang suspek na hindi pa pinapangalanan ay responsable sa paglalagay ng bomba sa loob ng internet cafe. Miyembro umano ito ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter o BIFF Abu Turaife group.

"Posibleng siya 'yong gumawa at siya rin ang napag-utusan na magtanim ng IED [improvised explosive device],” pahayag ni Rasco.

Sinampahan na rin ng kaso ang naunang primary suspect sa pagsabog sa Isulan na ikinamatay ng 3 katao at ikinasugat ng higit 30 iba pa.

Kinilala ang suspek na si Aladin Mohammad Kikay. Kasong multiple murder ang isinampa laban sa suspek na miyembro din umano ng BIFF Abu Turaife Group.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.