SC pinaubaya sa Makati RTC ang pagdedesisyon sa Trillanes amnesty

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2018 02:22 PM | Updated as of Jan 28 2020 02:40 PM

Bigong makakuha ng temporary restraining order (TRO) sa Supreme Court (SC) ang kampo ni Senador Antonio Trillanes IV kaugnay sa petisyon niya laban sa proklamasyong nagpapawalangbisa sa kaniyang amnestiya.

Sa isang press conference, inanunsiyo ng tagapagsalita ng SC na si Ma. Victoria Guerra ang desisyon ng en banc na tanggihan ang hiling ni Trillanes na TRO sa kadahilanang hindi umano sakop ng korte ang pagiging "trier of facts."

"Only a trial court, and in certain cases, the Court of Appeals, are trier of facts. Hence, it is appropriate that the Makati RTCs (regional trial courts) should be given leeway in exercising their concurrent jurisdiction," ayon sa bahagi ng pahayag ng SC.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasalukuyang nakabinbin sa dalawang RTC ng Makati ang mga mosyon ng DOJ para sa paglalabas ng warrant of arrest at hold departure order kay Trillanes. 

Pinanghahawakan din umano ng SC ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito ikukulong si Trillanes hangga't walang warrant mula sa anumang mababang korte.

"The Court takes judicial notice of the categorical pronouncement of President Duterte that Senator Trillanes will not be apprehended, detained, or taken into custody unless a warrant of arrest has been issued...[Thus] there is no extreme or urgent necessity for the Court to issue an injunctive relief," ayon sa pahayag ng Korte Suprema.

Setyembre 4 nang naisapubliko ang proklamasyon na layong buhayin muli ang mga kasong hinarap noon ni Trillanes kaugnay ng 2003 Oakwood mutiny at 2007 Manila Peninsula incident. 

Simula noon ay hindi na lumisan sa Senado si Trillanes sa harap nang bantang maaaresto anumang oras. --Ulat nina Ina Reformina at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.