Pulis na target umano sa drug bust, patay sa operasyon

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2018 05:14 PM

Nanlaban umano ang pulis nang arestuhin sa isinagawang buy-bust operation sa Koronadal City. Larawan mula kay Al Saludo.

KORONADAL CITY - Patay ang isang pulis sa ikinasang buy-bust operation sa isang lodging house sa Barangay Zone 2, Sabado ng gabi.

Target sa operasyon si PO1 Romil Barcellano na nabilihan umano ng isang sachet ng hinihinalang shabu.

Batay sa report, isang pulis na nagpanggap na buyer ang nakipagtransaksyon sa suspek.

Nagkita sila sa isang kwarto sa lodging house pero nang arestuhin na umano ang suspek, kinuha raw nito ang kaniyang baril at pinaputukan ang operating team. 

Agad silang nakaganti ng putok at tinamaan sa iba't ibang bahagi ng katawan si Barcellano na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Narekober pa umano sa kaniya ang isa pang sachet ng hinihinalang shabu, P1,000 na marked money, posas, at magazine ng bala.

Pero para sa asawa nitong si Emma Barcellano, hindi sangkot sa ilegal na droga ang kaniyang mister dahil sa matinding dedikasyon nito sa serbisyo. Madalas umanong nauuna ang trabaho sa kanilang pamilya.

Hindi rin siya naniniwalang lumaban ang kaniyang mister sa operating team.

"May patay sana sa nag-operate kung ganun, kasi ang asawa ko ano ‘yan sa pagbabaril, talagang asintado ‘yan," sabi ng asawa ng biktima.

Mas masakit pa umano sa pamilya nila ay ang pinatay na nga ang asawa at binansagan pang drug pusher ito.

Naging pulis si PO1 Barcellano noong Disyembre 2007 sa Koronadal City Police Station. Taong 2010 naman nang maging intelligence operative siya ng estasyon pero nailipat sa South Cotabato Police Provincial Office noong taong 2017.

Dalawang anak ang iniwan ni PO1 Barcellano.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.