Publiko, pinag-iipon ng tubig dahil sa nagbabadyang bagyo

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2018 05:19 PM

Nag-abiso nitong Martes ang Maynilad Water Services sa publiko na mag-ipon ng tubig sakaling maantala ang serbisyo ng tubig dahil sa inaasahang sama ng panahong dala ng bagyong Mangkhut.

Ayon sa Maynilad, maaaring magdulot ng increased turbidity o paglabo ng tubig sa Ipo Dam ang mga malalakas umanong pag-ulang dala ng Mangkhut, na papangalanang "Ompong" kapag pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) sa Miyerkoles.

"Mag-ipon ng tubig para may magamit sakaling magkaroon ng emergency water service interruption," isinulat ng Maynilad sa kanilang post sa Twitter. 

Magugunitang noong nakaraang buwan ay nakaranas ng water service interruption sa ilang lugar sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan dahil sa paglabo ng tubig sa Ipo Dam bunsod ng mga pag-ulang dala ng habagat.

Base sa 11 a.m. advisory ng state weather bureau na PAGASA, lumakas si Mangkhut habang patuloy na papalapit sa PAR.

Mayroon na itong lakas na 170 kilometro kada oras (kph) at pagbugsong 210 kph.

Nagbabanta ang Mangkhut sa hilagang bahagi ng Luzon at maaaring humatak ng habagat na magdadala ng mga pag-ulan sa iba pang bahagi ng bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.