Publiko, binalaan kontra 'robocall' modus

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2018 08:17 PM | Updated as of Jan 06 2020 04:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Binalaan ng mga awtoridad ang publiko laban sa modus kung saan tinatawagan sa telepono ang biktima at tinatakot upang magbigay ng personal na impormasyong maaaring gamitin sa ilegal na gawain.

Sa isang pahayag, pinag-iingat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko sa pagbibigay ng kanilang impormasyon kapag nakatanggap ng tawag mula sa mga nagpapanggap na opisyal ng gobyerno.

"The BSP categorically denies association with these calls and assures the public that these calls are fraudulent," sabi ng BSP sa pahayag.

("Itinatanggi ng BSP ang kaugnayan sa mga tawag na ito at tinitiyak sa publiko na panlilinlang ang mga tawag na ito.")

Sa BSP kasi na-trace o nanggaling umano ang tawag na natanggap ni Ericson Caguete, isa sa mga muntik nang mabiktima ng binansagang "robocall" modus.

Ayon kay Caguete, nakatanggap siya ng tawag at sinabihang sangkot umano siya sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Mayroon din umanong opsiyon sa dulo ng tawag para mailipat ang tawag sa opisyal ng pulisya pero hindi na ito sinunod ni Caguete.

Ayon sa isang netizen na nagbahagi ng karanasan ng kaniyang kaibigan sa modus, sasabihan ang tinawagan na nag-deposit ng pera ang isang drug lord sa kaniyang bank account kaya hihingin ang mga detalye ng kaniyang account para malinaw umano ito.

Ipinagtataka naman ni Caguete at ng netizen kung paano nakuha ng scammer ang kanilang numero.

Ayon sa Globe, nananatiling confidential o pribado ang lahat ng impormasyon ng kanilang mga kostumer at hindi ibinigay ang mga detalyeng ito sa kung sino man.

"Any information provided by Globe customers are held with utmost care and confidence, and will not be used in ways to which they have not consented," sabi ng Globe sa pahayag.

("Iniingatan ng Globe ang ano mang impormasyong ibinibigay ng mga kostumer at hindi ito gagamitin sa mga paraan nang hindi binibigyan ng pahintulot.")


--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.