'Mangkhut' lalong lumakas habang tinutumbok ang Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2018 01:24 PM | Updated as of Sep 11 2018 07:29 PM

Watch more in iWantTFC

Patuloy ang paglakas ng bagyong "Mangkhut" habang papalapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Martes.

Inaasahang Miyerkoles ng tanghali papasok ang bagyo sa PAR at tatawaging bagyong "Ompong."

Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometer per hour (kph) malapit sa gitna, at pagbugsong pumapalo sa 225 kph. Bumilis din ang takbo nito sa 30 kph. 

POSIBLENG MAGING SUPER TYPHOON

Hindi isinasantabi ng PAGASA ang posibilidad na magiging super typhoon ang bagyo.
    
Tutumbukin ni Ompong ang Northern Luzon kung saan posibleng itaas ang tropical cyclone warning signal Miyerkoles ng gabi.
    
Sa Sabado naman ay posibleng bagtasin nito ang Cagayan-Batanes area.

Palalakasin din ni Ompong ang habagat na magpapaulan sa Zamboanga Peninsula, Western Visayas, at Palawan.

BAGSIK NG BAGYO

Watch more in iWantTFC


Dahil dito, pinag-iingat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga Pinoy dahil sa posibleng maging epekto ng inaasahang pagpasok ni Ompong sa bansa.

Pinaghahanda ng ahensiya ang mga nakatira sa hilagang bahagi ng Luzon.

Sa laki ng bagyo, maging Central Luzon ay mararamdaman ang epekto nito.

"Not that it is comparable to Yolanda but it is better to be prepared... Ilalatag natin ang power back-up and preemptive evacuation," paliwanag ni NDRRMC spokesperson Edgar Posadas.

Nakita na kasi ang naging epekto nito sa Guam matapos manalasa doon.

Sa lakas ng hangin, nawalan ng kuryente ang ilang lugar at ilang mga bahay ang nasira kaya daan-daan ang sumilong sa mga emergency shelter.

Ayon sa konsulado ng Pilipinas sa Guam, 40,000 Pinoy ang naninirahan sa naturang islang kontrolado ng Amerika. Handa naman daw silang magbigay ng ayuda sa mga naapektuhan.
 
Nagbabala rin ang NDRRMC sa kumakalat na mga maling impormasyon sa social media tungkol sa bagyo.

"Sana huwag na sila makadagdag sa problema, maging discerning tayo sa social media, at huwag na kayo manggulo, at tumulong na lang," ani Posadas. 

 PAGHAHANDA SA MGA REHIYON

Watch more in iWantTFC

Samantala, patuloy ang paghahanda ng iba pang mga rehiyon sa pagpasok ng bagyong Ompong sa Miyerkoles. 

Sa Isabela, ipinakita ni Ferdinand Bello ang magandang bunga ng kaniyang pananim na mais na nakatakda sana niyang anihin sa susunod na buwan. Pero pangamba niya, baka masira lamang ito ng paparating na bagyo. 

“Balita ko nga super typhoon, sana hindi malakas o hindi maapektuhan ang pananim namin,” hiling ni Bello. 

Nagpulong na ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Isabela para maghanda. 

Magpapadala sila ng relief goods para sa mga mangingisda sa coastal municipalities dahil ipinagbabawal na kasi ang pangingisda at paglalayag.

“Kasi ang problema diyan kung lumabas na sila, siyempre ang fisherman hanggang mag-umaga na 'yan, baka maabutan sila,” paalala ni Edmund Guzman, PDRRMC officer.

Sa siyudad ng Ilagan, sineguro nang gumagana ang mga gamit pang-rescue gaya ng rubber boat lalo't bumabaha roon kung malakas ang bagyo na sasabayan pa ng pagpapakawala ng tubig sa Magat dam.

Puspusan na rin ang paghahanda sa probinsiya ng Cagayan. Taong 2016 kasi nang maranasan doon ang bagsik ng malakas na bagyong "Lawin" kaya't lagi nang maingat ang mga residente. 

Sa Santa Barbara, Pangasinan, hinakot na ang mga semento para itambak sa gilid ng daan. Ito na raw muna ang pampigil sa baha habang hindi pa naaayos ang nagibang dike.

Sa La Trinidad, Benguet, kaniya-kaniya na ring balot ng mga pananim ang mga magsasaka sa pangambang masira ng parating na bagyo.

MGA DAPAT TANDAAN

Pero bago pa man dumating ang bagyo, suriin na kung matibay ang bubong at pader ng bahay, ayon sa NDRMMC.

Mahalaga rin na magpraktis sa paglikas ang mag-anak at kung pinapalikas na ng mga awtoridad ay huwag nang maging pasaway.

Maghanda rin ng emergency "go bag" na paglalagyan ng pagkain at iba pang bagay na maaaring gamitin sa paglikas.

Tipirin ang baterya ng cellphone ng bawat miyembro ng pamilya para makatawag ng saklolo o di kaya'y i-charge ang powerbank para may baterya pa rin kahit maputulan na ng kuryente.

Maghanda rin ng flashlight na may extra battery.

Sa mga nagmamaneho, mag-menor kapag malakas ang ulan dahil maaaring gumewang-gewang ang sasakyan dahil sa hydroplaning o 'yung hindi paglapat ng buong gulong sa kalsada.

Kapag hindi na makontrol ang sasakyan, huwag diinan ang preno dahil mas delikado sa pag-skid o pagsadsad ang minamaneho.

Huwag din buksan ang hazard lights habang nagmamaneho dahil hindi nalalaman ng sumusunod na sasakyan kung pakanan ka o pakaliwa. Gamitin lang ang hazard lights kapag may emergency o kaya ay nasiraan.

—Ulat nina Bettina Magsaysay, Jeff Canoy, at Harris Julio, ABS-CBN News

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.