Impeach rap kontra De Castro, 6 pang mahistrado ng SC, ibinasura

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2018 05:00 PM | Updated as of Sep 11 2018 09:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ibinasura nitong Martes ng House committee on justice ang impeachment complaint laban kina Supreme Court Chief Justice Teresita Leonardo-De Castro at sa anim iba pang mahistrado dahil "insufficient in form" daw ang reklamong isinampa sa kanila. 

Nasa 23 kongresista ang bumoto pabor sa pagbabasura ng mga reklamo kina De Castro at Associate Justices Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Noel Tijam, Andres Reyes Jr., at Alexander Gesmundo. 

Si Siquijor Rep. Rav Rocamora lang ang bumoto laban sa pagbasura nito. 

Nakasaad sa mga patakaran ng Kamara sa impeachment na dapat ibasura ang reklamo kapag napagbotohang "insufficient in substance" ito. 

"Actual bias or prejudice was insufficiently established and it was discretionary upon the Justices whether they should recuse themselves. Their testimonies before this committee in relation to the impeachment of former Chief Justice (Maria Lourdes) Sereno were made through mandatory process and were given with the consent of the Supreme Court en banc,” ani ANGKLA party-list Rep. Jesulito Manalo, na kasama sa humiling ng pagbasura ng reklamo ng mga mahistrado. ​

Pinangunahan nitong Agosto nina Albay Rep. Edcel Lagman, Magdalo party-list Rep. Gary Alejano at Ifugao Rep. Teddy Baguilat Jr. ang paghahain laban sa pitong mahistrado ng mga reklamong betrayal of public trust, at umano'y paglabag sa Saligang Batas matapos ang pagboto sa petisyong quo warranto na nagpatalsik kay Sereno. 

Noong nakaraang linggo, indineklara ng House committee on justice na "sufficient in form," o nasa tama at sapat na anyo ang reklamo laban sa mga mahistrado. 

Matatandaang pinagbotohan ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang pagtanggal kay Sereno dahil sa hindi umano nito pagsiwalat ng kaniyang yaman sa mga Statement of Assets, Liabilities and Net worth niya noong propesor pa siya sa University of the Philippines. -- May ulat nina Zandro Ochona at RG Cruz, ABS-CBN News​

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.