Dayuhan timbog sa umano'y pangingikil sa mga karelasyon

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2018 08:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Swedish-American national matapos umanong mangikil sa mga nakarelasyon kapalit ng hindi pagkalat ng kanilang maseselang larawan.

Dinampot ng NBI Special Action Unit ang suspek na si Michael Lagarde sa isang restoran sa Taguig nang makipagkita at manghingi siya ng pera sa nobya, na isa sa kaniyang mga biktima.

Tinakot daw ni Lagarde ang babae na ilalabas ang mga hubad nitong retrato kung hindi magbibigay ng P100,000.

Ayon sa NBI, umabot na sa lima ang mga babaeng nagreklamo kay Lagarde dahil sa parehong modus.

Sabay-sabay naging nobya ni Lagarde ang mga biktima na nakilala niya sa mga dating app at website. Maski lalaki ay tina-target din daw ng suspek.

"One of his modus is ini-schedule niya 'yong mga babae. So one woman, he will date this today, the next day, other woman na naman," ani NBI Special Action Unit executive officer Kristine Dela Cruz.

Itinanggi naman ng suspek ang pangingikil.

"I needed money to repair our motorcycle so we could sell it and close out a loan," paliwanag ni Lagarde.

(Kinailangan ko ng pera para mapaayos iyong aming motorsiklo para puwede naming ibenta at ipambayad ng utang)

Ikinulong si Lagarde sa kasong robbery extortion.

Natuklasan din ng NBI na nakulong si Lagarde sa Sweden dahil din sa panloloko sa mga babae.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.