Dating empleyado ng DENR arestado sa pagbebenta umano ng pekeng titulo

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2018 01:13 PM | Updated as of Sep 13 2018 09:16 PM

Watch more in iWantTFC

MANILA - Lima ang arestado kabilang ang isang dating empleyado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa pagbebenta umano ng lupa gamit ang pekeng titulo sa Tagaytay City sa Cavite. 

Kabilang sa mga naaresto at nahaharap sa reklamong large-scale estafa sina Aireen Tan, Rochel Alcantara, Michael Sarabosing, at si Gerardo Trinidad na dating empleyado ng DENR at itinuturong utak ng modus operandi. 

Ayon kay Elmer Decena, hepe ng Tagaytay City police, nalaman ng Japanese investor at ng Pinay nitong business partner na peke ang titulo nang tumungo sila sa Land Registration Authority sa Maynila para sana maglipat ng pangalan ng dokumento. 

Una nang nakapagbayad ang mga biktima ng P80 milyon. Nang hingin sa kanila ang balanseng P70 milyon, nagsumbong na sila sa pulis na siya namang nagkasa ng entrapment operation sa isang kapihan sa Tagaytay. 

Nakuha sa mga suspek ang isang bagong luxury car at iba't ibang pekeng titulo ng lupa. Bukod sa large-scale estafa, nahaharap din sila sa falsification of public documents. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.