700 pasahero ng MRT pinababa dahil sa pumalyang motor

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2018 08:35 PM | Updated as of Sep 11 2018 10:07 PM

MAYNILA (UPDATE) - Pinababa at napilitang maglakad sa riles ang nasa 700 pasahero ng MRT-3 nang magkaaberya ang tren sa southbound lane malapit sa Magallanes station nitong gabi ng Martes.

Ayon sa pamunuan ng MRT, electrical failure sa motor ng tren ang sanhi ng aberya.

Sabi ng ilang pasahero, iniwan na lang sila basta ng driver kaya sila na mismo ang nagpindot ng emergency button para bumukas ang pinto ng tren.

Ilang minuto pa ay may dumating na rin ang mga security guard para tulungan ang mga pasahero, lalo sa mga matatanda, may kapansanan at may mga buntis pa.

Pagdating sa Magallanes station ay 29 minuto pang naghintay ang mga pasahero para makasakay sa susunod na tren.

Isinailalim naman sa preventive maintenance ang nagkaaberyang tren.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.