Taxi driver, ninakawan umano ang pasaherong seaman

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2017 12:15 AM | Updated as of Sep 12 2017 12:56 AM

Isang seaman ang ninakawan umano ng taxi driver na dapat maghahatid sa kaniya sa Pier sa Tondo, Maynila.

Nakuhanan ng CCTV ang isang taxi na huminto sa Road 10 malapit sa Pier sa Tondo, bandang alas-2 ng madaling araw noong Sabado, Setyembre 9.

Lumabas ang driver at hinatak palabas ng sasakyan ang pasaherong walang malay.

Binuhat at iniwan ng driver ang pasahero sa isang bangketa.

Sabi ng kaanak ng biktima, isa siyang seaman at galing sa family reunion.

Bahagya umanong nakainom ang biktima sa okasyon pero maayos naman daw nakakausap bago umalis.

Laking gulat na lang ng mga kaanak nang umuwi na ang seaman na walang dalang gamit.

Kabilang umano sa mga nakuha ang isang bagong bili at mamahaling cellphone.

Ayon sa Moriones Tondo Police, kung nakainom man ang biktima, dapat tinulungan siya ng driver at dinala sa mga pulis o sa barangay.

Nakuha ng mga kaanak ng biktima ang plate number ng sinakyang taxi.

Pinaghahanap na ng pulisya ang taxi driver at binalaang mas mabuting sumuko na lamang.

Haharap sa kasong theft ang taxi driver sa pagkakataong mahuli o sumuko.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.