Ika-100 kaarawan ni Marcos, sinalubong ng mga protesta

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2017 01:35 PM | Updated as of Sep 12 2017 03:00 AM

Nagsagawa ng kilos protesta ang iba't ibang grupo sa labas ng Libingan ng mga Bayani (LNMB), kasabay ng pagdiriwang ng ika-100 birth anniversary ni dating pangulong Ferdinand Marcos.

Sa labas ng LNMB, nagtipon-tipon ang mga grupo tulad ng Campaign Against the Return of the Marcoses to Malacañang (CARMMA) at Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA) upang magsagawa ng anti-Marcos rally.

Mahigit 200 ang naitalang bilang ng mga nagprotesta, ayon sa Philippine National Police (PNP)-Southern Police District.

Kabilang sina Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate, human rights lawyer Neri Colmenares at aktibistang si Mae Paner sa mga panauhing nagsalita sa programang idinaos ng mga raliyista.

Nagkaroon ng bahagyang tulakan sa pagitan ng mga raliyista at pulis pero mabilis na kumalma ang sitwasyon.

Para kay Jerome Succor Aba, pinuno ng organisasyong Sandugo, na binubuo ng mga katutubong pangkat, insulto sa mga biktima ng batas militar ang pagdeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa karaawan ni Marcos bilang special non-working holiday sa Ilocos Norte.

Kinondena rin ng mga katutubong pangkat ang administrasyon sa pagbigay umano ng immunity o kaligtasan mula sa pagkakakulong sa pamilya Marcos kapalit ng pagbalik nila sa umano'y ninakaw na yaman.

Bandang tanghali nang matapos ang protesta.

Payapang pagdiriwang

Sa loob ng sementeryo, payapang idinaos ang programa para sa sentenaryo ng araw ng kapanganakan ng dating pangulo. 

Dinaluhan ito ng pamilya Marcos at ilang opisyal ng gobyerno, kabilang sina dating pangulong Joseph Estrada at dating senador Juan Ponce Enrile.

Mahigpit ang seguridad at pawang mga imbitado lamang sa pagdiriwang ang maaaring makapasok.

Ayon sa PNP-Southern Police District, nasa 250 ang dumalo sa pagdiriwang sa loob ng LNMB. Mahigit 150 na tagasuporta naman ng mga Marcos ang nagtipon sa labas ng sementeryo.

Matatandaang pinahintulutan ni Pangulong Duterte noong nakaraang taon ang pagpapalibing sa yumaong diktador sa LNMB.

-- Ulat nina Zhander Cayabyab, Bianca Dava, Kevin Manalo, Raffy Santos

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.