Binatilyo, patay sa aksidente sa motorsiklo sa Laoag

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2017 10:22 PM

LAOAG CITY- Agad na binawian ng buhay ang Grade 10 pupil na si Lunuel Kee Cabrera, 15 taong gulang, matapos maaksidente sa motorsiklo sa Gilbert Bridge sa Laoag City Lunes.

Ayon sa imbestigasion, minamaneho ni Cabrera ang motorsiklo ng kaniyang angkas na si Christoper Ulep, 28 taong gulang, nang mawalan ito ng kontrol at dumiretso sa center island ng tulay.

Tumilapon ang dalawa dahil sa pagkabangga ng motor sa flower vase sa center island ng tulay.

"South direction sila, mabilis ang takbo at nabangga nila yun flower vase sa may center island ng tulay," ani PO3 Marius Ravelo.

Nagtamo ng sugat sa ulo at sa iba't-ibang bahagi ng katawan ang dalawa.

Dead on arrival sa ospital si Cabrera habang ligtas naman na si Ulep.

Ayon pa sa pulisya, walang helmet na suot ang dalawa at pawang nakainom ng alak.

"Sabi ni Ulep nag-inuman raw sila at kumain lang tapos pauwi na sana sila," ani Ravelos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.