Kapatid ng aktres, pinaslang dahil umano sa droga

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2016 12:40 PM | Updated as of Sep 12 2016 08:59 PM

Patay ang kapatid ng aktres na si Maritoni Fernandez makaraang pagbabarilin Linggo ng umaga dahil umano sa pagtutulak nito ng iligal na droga sa mga artista.

Natagpuan ang bangkay ng biktimang si Maria Aurora Moynihan sa kanto ng Temple Drive at Giraffe Street sa Barangay Ugong Norte, Quezon City.

Katabi niya ang isang karatulang nagsasabing, "Pusher ng mga celebrities, kasunod na kayo."

Ayon sa ilang saksi, nakita nila ang isang sports utility vehicle na tumigil sa crime scene pasado ala-1 ng madaling-araw. Matapos ang ilang minuto, narinig umano nila ang magkakasunod ng putok ng baril at nakita ang pagharurot palayo ng sasakyang hindi nila naplakahan.

Nakuha ang ilang pakete ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia sa gamit ng biktima.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Quezon City Police District director Senior Superintendent Guillermmo Eleazar na nakatakda na sanang makipag-ugnayan sa kanilang opisina ang isang kaanak nito para paimbestigahan ito.

Wala anyang CCTV camera kaya patuloy ang QCPD sa paghahanap ng iba pang saksi na maaaring nakakita sa krimen.
 
"Siguro po makakakuha tayo ng dagdag na kalinawan sa araw na ito base sa salaysay ng kanyang kamag-anak," ani Eleazar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.