Stigma? 'Quarantine band' ng Caloocan tinututulan ng ilang residente

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2020 07:19 PM | Updated as of Sep 10 2020 09:18 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Sinimulan na ang pamamahagi ng tinaguriang "quarantine wristband" o q-band sa Caloocan City nitong Huwebes para i-monitor ang galaw ng mga naka-quarantine na residente. 

Nasa 15 residente sa naka-lockdown na lugar sa Barangay 52 ang mga unang pinagsuot ng q-band. Hindi nila puwedeng tanggalin ito sa loob nang 14 araw na quarantine period, o higit pa kung positibo sa COVID-19. 

May QR code ang q-band na isa-scan kada 12 oras para ma-monitor sa command center kung nasaan ang tao. 

Ibinibigay ang q-band sa mga sumailalim sa COVID-19 test at kailangan mag-home quarantine. 

Hindi ito puwedeng tanggalin hangga’t hindi lumalabas ang resulta ng swab test na negatibo sa COVID-19, o habang nasa panahon ng quarantine period. 

Sakaling maipasa na ang pinaplantsang ordinansa, may multang P1,000 o 10 araw na pagkakakulong ang hindi makakapag-scan ng q-band sa tamang oras.

"It’s also a reminder to themselves kasi there’s a great temptation na after 1 week of being quarantined, parang ibabalewala mo na," ani Sikini Labastilla, head ng Caloocan City COVID-19 command center. 

Sa ngayon, ilan na ang nakikita sa command center na lumalabag.

Pero binibigyang konsiderasyon ng command center ang posibilidad na walang internet ang may hawak ng q-band para mag-scan sa tamang oras.

Dito na makikipag-coordinate ang command center sa mga tauhan ng barangay health office para i-monitor ang may suot ng q-band. 

Pero ilang residente ang tutol sa pagpapasuot ng Caloocan City ng q-band dahil sa isyu ng stigma. 

"Para po sa akin, hindi dapat sila magsuot ng wristband kasi lalo silang pandidirihan ng mga tao, hindi na po lalapit sa kanila ‘yung mga tao," ani Arlene Poncardas. 

"Sila na lang magsuot niyan. Patay ang mga tao, madi-discriminate pa," ani Ricky Cañeda. 

Naiintindihan naman daw ito ng LGU pero mas malaki umano ang benepisyo ng naturang teknolohiya. 

Isa pang punto ay hindi naman daw dapat talaga lumabas ng bahay ang may suot ng q-band. 

Hanggang noong Miyerkoles, 6,387 tao na ang dinapuan ng COVID-19 sa Caloocan Ciy, pero 5,099 sa kanila ang nakarekober na.