MAYNILA - Patuloy na namamahagi ng emergency subsidy ang Department of Social Welfare and Development sa mga mahihirap na pamilyang Pilipinong apektado ng pandemyang dulot ng COVID-19, at 4 porsiyento na lang ang hindi pa naaabot ng ikalawang bahagi ng ayuda.
“Presently, 96 percent na ang accomplishment para sa second tranche,” pahayag ni DSWD Spokesperson Irene Dumlao.
Sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo, mayroon pang mga benepisyaryo na kailangang mahatiran ng tulong.
“Ito po 'yung mga beneficiaries na kailangan nating ibalik ang impormasyon sa lokal na pamahalaan dahil may kakulangan sa mga details na hinihingi ng ating mga financial service providers,” sabi niya.
Kabilang umano sa mga kulang na impormasyon ay ang middle name o cellphone numbers ng beneficiaries na kailangan ng mga partner financial service providers.
Mayroon din umanong ilang local government units na kailangan pang mag-upload ng kanilang encoded social amelioration card forms para ma-generate ang payroll para sa beneficiaries.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, ang isang benepisaryo ay makatatanggap nang mula P5,000 hanggang P8,000 na cash aid ng dalawang beses sa pamamagitan ng Social Amelioration Program (SAP) base na rin sa minimum wage rates sa naturang rehiyon.
Nakatuon ang programa na tulungan ang may 23 milyong pamilyang naapektuhan ng pandemya.
Ayon sa DSWD, higit P82 bilyon na ang naibahagi nito sa 13.7 milyong pamilya.
“We're focused at completing the social amelioration program under Bayanihan 1,” sabi niya.
Handa rin silang ipatupad kung anuman ang programang makakasama umano sa Bayanihan to Recover as One bill o Bayanihan 2, ang ikalawang COVID-19 response measure na hinihintay na lang ang pirma ng pangulo.
“At present, 'yung Bayanihan 2 isinumite na sa Office of the President para sa approval at signature ng ating presidente,” dagdag niya.
DSWD, Irene Dumlao, Social Amelioration Program, SAP second tranche, Bayanihan 1, emergency subsidy, Teleradyo