Pagtigil sa rescue ops, ikinabahala ng kaanak ng Pinoy crew ng lumubog na barko sa Japan

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2020 05:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Patuloy na umaasa ang pamilya ng isa sa mga tripulanteng nawawala matapos na lumubog ang cargo ship sa kasagsagan ng bagyo sa dagat na sakop ng Japan na buhay pa rin ang kanilang kaanak.

“Umaasa kami na buhay pa sila kasi wala pa pong natatagpuan sa kanila doon sa 36 kaya siguro po magkakasama po sila tapos nag-aantay lang po ng rescue,” pahayag ni Fritzie Pilota, kapatid ng isa sa nawawalang crew na si Jay Pilota.

Pero ikinababahala ngayon ng pamilya ni Fritzie ang anunsiyo ng Japan na ititigil na nito ang rescue operations isang linggo matapos ang insidente.

“May advisory ang Japan na ititigil nila rescue operation ngayon araw na ito kaya nananawagan kami kay Pangulong Duterte na tulungan sana kami na makipag-coordinate sa ibang bansa na malapit doon sa pinangyarihan ng aksidente,” sabi ni Fritzie.

Isa ang kapatid ni Fritzie sa mga nawawala pa ring crew ng Gulf Livestock 1 na cargo ship na naglayag mula Napier sa New Zealand patungong Chinese port ng Tangshan.

Nagpadala pa ito ng distress call noong Setyembre 2 sa kasagsagan ng bagyong Maysak.

Sa 43 na crew, 39 ay pawang Pilipino, 2 New Zealander, at 2 ding Australians.

Nauna nang natagpuan ng Japanese Coast Guard ang labi ng isa sa mga Pinoy habang dalawang iba pang Pilipino ang nasagip.

“Marami pa po sila mga 36 pa po silang hinahanap. Paano po 'pag pinatigil na 'yung rescue operation? Paano po 'yung mga mahal namin sa buhay na hindi pa po nakikita?” tanong ni Fritzie.

Pinawi naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang agam-agam ni Fritzie at sinabing tuloy pa rin ang rescue operations.

“Yung paghinto hindi nangangahulugang wala nang rescue operation. Hindi nga lang 'yun kagaya nung special operations na 2 aircraft, 4 na patrol boats, at 'yung japanese coast guard. Tuloy pa rin ang standard rescue operations,” sabi ni Bello sa parehong panayam sa ABS-CBN Teleradyo.

Dagdag ni Bello na ipinag-utos na rin niya sa manning agency ng crew na patulungin sa rescue operation ang may-ari ng barko.

“‘Wag kayong mag-alala, hindi ihihinto ang rescue operation,” sabi niya.