PatrolPH

Obispo tutol sa pagsasara ng lahat ng mga sementeryo sa Undas

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2020 06:48 PM

MAYNILA — Tutol ang Apostolic Administrator ng Manila Archdiocese na si Bishop Broderick Pabillo sa planong isara sa Undas ang lahat ng mga sementeryo sa buong bansa sa gitna ng peligrong dala ng pandemya.

Sabi sa TeleRadyo ni Pabillo, sang-ayon naman siya sa pagsara ng mga sementeryo sa mga lungsod, pero dapat ay panatilihin daw bukas ang mga naroroon sa probinsiya at ilang maliliit na barangay.

"Kasi ang ibang sementeryo lalong-lalo na sa mga barangay, wala namang ganyang danger. Ang ibang sementeryo sa mga barangay kakaunti lang ang pumupunta kahit November 1 o November 2 kasi kakaunti lang ang mga taong nandu'n," ani Pabillo.

Nauna nang sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority na iisa ang desisyon ng mga alkalde sa Metro Manila na pansamantalang ipasara ang mga sementeryo sa Undas. 

Gayunpaman, marami na ring mga lokal na pamahalaan ang nag-anunsiyo na hindi muna papayagan ang pagdalaw sa mga sementeryo sa panahon ng Undas.

Hinimok naman ni Pabillo ang mga mananampalataya na sa halip na sa sementeryo, maaari ring alalahanin ang mga yumao sa pagpunta sa simbahan lalo't papatak ng Linggo ang Nobyembre 1.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.