PatrolPH

Motorcycle rider, patay matapos bumangga sa barrier sa Makati

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2020 05:36 AM

MAYNILA - Patay ang isang 43-anyos na motorcycle rider matapos siyang bumangga sa isang barrier post sa Ayala Ave., Makati City nitong Miyerkoles ng gabi. 

Tumilapon mula sa motorsiklo at nasugatan sa ulo ang rider na kinilalang si Richard Casimiro na bumibiyahe mula EDSA bandang alas-10:35 ng gabi. 

Ayon kay Police Exec. MSgt. Sulpicio Monterde ng Makati City Police vehicle traffic investigation unit, tumama ang gulong ng motorsiklo ni Casimiro sa concrete base ng isang barrier post na nakahilera sa gitnang lane malapit sa Makati stock exchange building. 

Narinig na lang ng mga guwardiya ng gusali ang malakas na kalabog at nadiskubreng nakahandusay ang rider. 

Sa lakas ng pagkabangga, nabiyak ang tinamaang concrete base at bumagsak ang mga ibang poste. Nasira rin ang harapan ng motor. 

Patuloy na iniimbestigahan kung may iba pang sasakyan na nadamay sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.