PatrolPH

Mga banta laban sa medical frontliners sa Lanao del Sur iniimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2020 02:22 PM | Updated as of Sep 11 2020 07:25 PM

Watch more on iWantTFC

Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation ang mga banta sa buhay na natatanggap ng mga medical frontliner at lokal na opsiyal ng Lanao del Sur.

Naglipana kasi kamakailan ang social media posts kung saan pinaghihinalaang sinasadyang ideklarang COVID-19 ang sanhi ng pagkamatay ng mga tao upang makakolekta ng claims sa PhilHealth at makapag-deklara ang lokal na pamahalaan ng modified enhanced community quarantine.

"We have to stop that kasi baka may ibang mga tao diyan na iba ang pag-iisip, makita nila ang ganitong mga post, puwede na sila mismo mag-aksiyon," ani Abdul Jamal Dimaporo, hepe ng NBI district office sa Iligan City.

Ayon kay Lanao del Sur Vice Governor Mohammad Khalid Adiong, marami ang hindi sumusunod sa health protocols sa kanilang lugar dahil hindi umano nauunawaan ng mga ito ang COVID-19.

"Marami sa kababayan namin 'di naniniwala kasi 'pag tinitingnan nila sa APMC (Amai Pakpak Medical Center), marami ang nakaka-recover so 'di sila naniniwala na mayroon talagang sakit na COVID," ani Adiong.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa isang residente, sinabi nitong mahirap paniwalaang may COVID-19 dahil hindi naman niya ito nakikita.

Maging ang mga medical frontliner sa APMC ay natatakot dahil nakatatanggap ng mga pagbabanta.

"Paniwala nila na, kami ang gumagawa ng positive cases. Kahit 'yung negative pina-positive namin," ani APMC chief Shalimar Rakiin.

Noong Lunes, isinailalim sa MECQ ang Lanao del Sur at Bacolod City dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Higit 300 na ang naitatalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Lanao del Sur.

— Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.