PatrolPH

Budget ng ahensiyang dawit sa 'red-tagging' walang detalye, binusisi

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2020 08:20 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nagpiket ang ilang grupo ng kabataan sa labas ng Kamara nitong Huwebes para iprotesta ang naglalakihang hirit na pondo ng ilang ahensiya ng pamahalaan na idinadawit sa "red-tagging" ng ilang mambabatas at mga aktibista.

Sa loob ng Batasan, binusisi ng Makabayan bloc kung paano magagastos ang P16 bilyong hiling para sa "barangay development program" ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTFELCAC).

Ang pondo ay gagamitin daw bilang insentibo sa mga barangay na makapupuksa sa paglaganap ng communist insurgency.

"Anong basehan na cleared ang barangay? Paano masasabi na cleared ang mga barangay na ito?" pagtataka ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat.

Sinita rin ni Kabataan Rep. Sarah Elago kung bakit lump sum o walang detalye ang pondong ito ng task force.

Pag-amin ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na miyembro ng NTFELCAC, isusumite pa lang nila ang detalye ng proyekto.

Pero meron na daw silang 822 barangay na masasabing "cleared" sa insurgency at makatatanggap ng P20 milyong halaga ng proyekto mula sa pondong ito.

Sinita rin ng mga mambabatas ang umano'y talamak na red-tagging ng pulisya. Pero itinanggi ito ng Philippine National Police at sinabing hindi nila polisiya ang mang-red-tag.

—Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.