PatrolPH

93 bilanggo pinalaya ng BuCor

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2020 10:48 PM | Updated as of Sep 11 2020 07:32 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Pinalaya ng Bureau of Corrections ang nasa 93 bilanggo mula sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City nitong Huwebes.

Mga 86 dito ay binigyan ng parole, 6 ang napawalang sala sa kaso, habang natapos naman ng isa ang kaniyang sentensya.

Ayon kay BuCor spokesperson Gabriel Chaclag, walang high profile sa listahan ng mga pinalaya.

Kasama naman sa naging basehan sa pagbibigay ng parole ang naging pag-uugali ng mga bilanggo habang nakakulong.

“Lahat ng factors ay kino-consider ng Board of Pardons and Parole. Sila naman po ay gumagawa ng sulat, follow-up, medical records, mula nang sila ay dumating sa New Bilibid Prisons. Pati ang kanilang reformation activities, sumali sila sa work and livelihood, religious, or educational programs, nandoon lahat sa karpeta,” ani Chaclag.

Ang isa sa mga pinalaya ay senior citizen at higit dalawang taong nakulong dahil sa kasong rape. Kwento niya, mahirap ang buhay sa loob ng kulungan, lalo’t inamin lang niya ang pagkakasala para maiwasan ang mas mabigat na sentensya. 

Ganoon pa man, itinuro umano ng kanyang karanasan na habaan ang pang-unawa at pasensya.

“‘Yung pang-unawa, habaan. Tapos yung pasensya po, lalung dagdagan po,” aniya.

Noong nakaraang taon pa siya nag-apply ng parole, pero nabinbin umano ito dahil sa isyu ng Good Conduct Time Allowance ng convicted rapist at murderer na si Antonio Sanchez.

“Nag-apply ng parole last year. Gawa nga po ng kay Sanchez, na-pending po. Tapos ito pong Sept. 3, nakatanggap ako ng call na granted po ang aking parole,” kwento ng pinalayang inmate.

Excited man makapiling ang pamilya sa Antipolo, nangangamba rin siyang maiba ang tingin ng mga kakilala.

“Kagaya kong ex-con na, baka matatakot na rin sila sa akin,” aniya.

“Masaya ako at makakapiling ko na po ang asawa ko, mga anak ko, at mga apo ko po na na-miss ko po ng dalawang taon, dalawang buwan,” dagdag pa niya.

Plano niyang magsilbi sa simbahan at tumulong sa asawa sa pag-aalaga ng mga apo. 

“Doon lang po ako sa bahay, tutulungan ko ang asawa ko sa mga gawain niya, kasi po may mga alaga kaming mga apo,” kwento niya.

“Babalik po ako sa church, sa ministry ko po,” dagdag pa nito.

Sumailalim muna sa COVID-19 test ang mga dating bilanggo bago makalabas.

Binigyan ng BuCor ng sapat na pera ang mga ito para makauwi. Mayroon ding mga inihatid. Sa mga hindi pa makauuwi, may mga halfway house ang BuCor, at sasagutin nito ang pagkain.

“They are free to go today… May mga pamilya ngang nag-aantay sa labas. ‘Yung iba ninais nila na dito pa rin. So may mga halfway house naman tayo, at siguro ay nahihirapan sila sa transportation, so ‘yung hindi kaagad makakauwi, na kakalabas ngayon, ay bibigyan pa rin ng Bureau of Corrections ng suporta,” ani Chaclag.

“Ang population ng New Bilibid Prisons is more or less 29,000. Marami ‘yun, pero just imagine din, malaki rin ‘yung 93 na mababawas,” dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.