Mga pulis Davao na may kaso, isinailalim sa retraining

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2019 08:23 PM

DAVAO CITY - Nasa 50 pulis mula sa Davao region na may iba't ibang kaso ang nagsimula ng retraining nitong Martes. 

Sa bilang na ito, 19 ang opisyal at 31 ang police non-commissioned officers.

Kabilang sa itinuturo sa mga pulis ang moral development at spiritual enhancement.

Ayon sa Police Regional Office (PRO) 11, ang mga pulis ay nahaharap sa iba't ibang kaso tulad ng irregularity in the performance of duty, conduct unbecoming, crimes against person and property, absence without leave (AWOL), at tardiness.

Ayon kay Police Brig. Gen. Marcelo Morales, kailangan ang retraining ng mga pulis na nagkasala para maintindihan ang kanilang mga responsibilidad na nangangailangan ng pasensiya at disiplina.

"Ini-expect namin na magkakaroon sila ng better perspective sa pag-perform nila ng kanilang police duties at kanilang relationship hindi lang sa kapwa pulis, even doon sa mga tao na kanilang pinagsisilbihan," aniya.

Tatagal ng 45 araw ang retraining.

Nagbabala ang PRO 11 sa mga pulis na matatanggal sa serbisyo sakaling makagawa pa uli ng kasalanan sa kanilang paglilingkod sa taumbayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.