Ilang hog raisers 'nawalan ng halos buong kabuhayan' dahil sa African swine fever

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2019 08:41 AM | Updated as of Sep 10 2019 09:06 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Nawalan ng "halos buong kabuhayan​" ang ilang backyard hog raisers sa probinsya ng Rizal dahil sa African swine fever, sabi ng grupo ng mga negosyante ngayong Martes. 

Pinatay ng mga awtoridad ang nasa 7,400 baboy sa Rizal at kalapit na lalawigan ng Bulacan nitong mga nakalipas na linggo dahil sa naturang sakit na walang bakuna.

"Halos buong kabuhayan po nila ang nawala, doon sa mga tinamaan," patungkol ni National Piggery Movement president Warren Tan sa mga miyembro ng grupo sa Rizal. 

"Doon naman po sa mga hindi tinamaan, malaki po, halos kalahati po ng kanilang kabuhayan ang nawala dahil sa higpit. Sobrang higpit po ngayon ng pagta-travel ng buhay na baboy," dagdag niya. 

Aniya, sumadsad na sa P80 hanggang P90 ang kada kilo ng baboy, na dating nasa P110 hanggang P120 ang pinakamababang presyo. 

Sa dating presyuhan, kumikita ang hog raisers ng P10 kada kilo, pero "ngayon po lugi na sila ng P20 kada kilo," ani Tan sa panayam ng DZMM. 

PAGTATAGO NG MGA ALAGA 

Kabilang sa apektadong backyard breeder si Analyn Bandiola, residente ng Antipolo, Rizal na nawalan ng 11 baboy, kabilang ang 4 na inahing manganganak na sana. 

Aniya, itinago niya ang 5 pang alagang baboy para hindi makasama ang mga ito sa mga kinatay ng gobyerno. 

"Malakas po iyong baboy namin e saka mula noong bata pa, alagang-alaga po namin iyon," katwiran niya sa hiwalay na panayam ng DZMM. 
 
"Sana po sa mga pangako po ng government, matulungan din po kami na maibalik iyong kinuha nila sa amin," dagdag niya. 

BABALA NG AGRI DEPT 

Watch more in iWant or TFC.tv

Una nang nakatanggap ang pamahalaan ng ulat ng backyard breeders na nagtatago sa kanilang mga alagang baboy, ani Agriculture Secretary William Dar. 

Babala niya, "Ang problema d'yan kung may sakit, e ang hirap. Dapat maki-cooperate po ang mga nagbababoy." 

Sinabi ni Dar na nagmula ang African swine fever sa kaning-baboy na galing sa mga hotel at restaurant. 

Payo niya sa mga negosyante, "Huwag na tayong bumili ng swill feed, iyong galing sa basurahan kasi mas mataas ang tsansa na and'yan ang sakit." 

May makukuhang P3,000 cash assistance ang mga mawawalan ng baboy, una nang sinabi ng kalihim. Kapag natiyak na wala nang virus sa lugar, bibigyan din ang mga residente ng mga bagong biik, dagdag ni Dar.