Hospital ward ng Bilibid ginagamit sa bentahan ng droga: Go

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2019 05:22 PM | Updated as of Sep 10 2019 07:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ginagamit ng mga bilanggo ang ward ng New Bilibid Prison (NBP) Hospital bilang tagpuan para sa bentahan ng ilegal na droga, ayon kay Sen. Chrisotpher "Bong" Go.

Sa panayam kay Go ngayong Martes, sinabi ng senador na nakuha niya ang impormasyon sa isang bilanggong nakilala niya sa NBP, na binisita niya noong Lunes.

"Mayroong alleged report of corruption dito sa New Bilibid Prison Hospital. Mayroon daw pong ibinebentang hospital pass at illegal drug trade continues in the NBP with the NBP Hospital as the new venue for illegal drug transactions," ani Go.

Nauna nang binunyag ni Go ang umano ay bentahan ng hospital pass sa mga bilanggo ng NBP.

May mga bilanggo, lalo iyong mga high profile, na pinepeke ang kanilang mga sakit at bumibili ng hospital pass mula sa mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor), na nangangasiwa sa NBP, ayon kay Go.

Karamihan daw sa mga pangangalakal ng ilegal na droga ay nangyayari sa ward 3 ng medical annex ng Building 14, ani Go.

Mga "counterpart" ng "drug triad" ang sangkot umano sa bentahan ng hospital pass.

Nasa P200,000 hanggang P2 milyon ang presyuhan para ma-admit ang isang preso sa NBP Hospital, iba pa sa P30,000 na board and lodging fee kada araw, ayon kay Sen. Panfilo Lacson.

Balak ni Lacson na ipaimbita sa Senado ang mga doktor sa NBP Hospital.

"Hindi naman mangyayari iyon kung walang nagse-certify na doktor," ani Lacson.

Tingin ni Lacson ay matagal nang nangyayari ang ganoong sistema sa NBP Hospital lalo at minsan nang nahuli ang isang dating preso na papunta sa kaniyang dentista sa labas ng NBP.

Samantala, pinaiimbestigahan na Department of Justice sa National Bureau of Investigation (NBI) ang umano ay bentahan ng hospital pass sa NBP.

dasdsa

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa department order na inilabas noong Lunes, inutusan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang NBI na imbestigahan ang umano ay paglilipat ng mga bilanggo sa NBP Hospital kapalit ng pera.

Pinakakasuhan din ang mga BuCor official na mapatutunayang tumanggap ng pera kapalit ng pagbigay ng hospital pass.

Naungkat ang bentahan ng hospital pass sa pagbusisi ng mga mambabatas sa batas na good conduct time allowance (GCTA), na nagpapabilis sa paglaya ng bilanggo dahil sa mabuting pag-uugali habang nakakulong.

Ilang testigo ang lumutang kamakailan at ibinunyag na mayroon umanong bentahan ng paglaya ng mga preso dahil sa GCTA.

Napuna ang batas matapos ang muntikang paglaya ng rapist-killer na si Antonio Sanchez dahil sa GCTA.

Aabot sa 2,000 na na-convict dahil sa mga karumal-dumal na krimen ang napalaya simula noong 2013 dahil sa GCTA, ayon sa datos ng BuCor.

Inutusan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nakalayang convict na sumuko.

Itutuloy sa Huwebes ang pagdinig sa kontrobersiya sa GCTA.

-- Ulat nina Sherrie Ann Torres, Mike Navallo at Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.