DOH, eksperto naaalarma sa pagdami ng kaso ng diabetes

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2019 08:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nababahala ang ilang eksperto sa pagdami ng bilang ng mga nagkakaroon ng diabetes sa bansa. 

Tantiya ng Philippine Society of Endocrinology, Diabetes, and Metabolism (PSEDM), nasa 7 milyon ang may diabetes sa bansa, na itinuturing ng ilang health expert na "epidemya" sa bansa. 

Ayon sa research council member ng PSEDM na si Oliver Allan Dampil, pasok sa depinisyon ng epidemya ang bilang ng mga may diabetes at ang lawak ng mayroon nito. 

"Ang definition kasi ng epidemic lahat ng parte ng Pilipinas ay mayroon [noong sakit]. Walang sulok ang Pilipinas na wala kang nakakakita ng diabetic," ani Dampil. 

"Walang barangay ang walang may diabetes, sigurado kami diyan," dagdag niya. 

Ilan sa sintomas ng diabetes ang madalas na pag-ihi, madalas na pagkauhaw, hindi paghihilom ng sugat, o kaya biglang pagdagdag o pagbawas ng timbang. 

Kabilang dito si Lino Gregorio na hindi naghihilom ang sugat sa tuhod. 

Tila namamaga pa raw ito kahit nilalapatan na ng gamot. Pinahihina raw kasi ng kaniyang diabetes ang kaniyang immune system. 

Nababahala na rin ang Department of Health sa pagdami ng mga Pilipinong may naturang sakit, dahilan para magsagawa sila ng information drive kontra rito, ayon kay Health spokesperson Eric Domingo. 

Kapag napabayaan kasi ang diabetes, magdudulot ito ng komplikasyon sa katawan gaya ng stroke, kidney failure, heart attack, at pagkabulag. Kaya naman puspusan ang kampanya nila kontra sa sakit. 

"Isa ito sa mga gamot na ibinabahagi ng ating pamahalaan. Sa mga health center natin mayroon tayong gamot sa diabetes," ani Domingo.

Payo ng mga doktor, damihan ang pagkain ng gulay at prutas at mag-ehersisyo. 

Marami raw kasing Pinoy na hindi kumakain nang tama, at labis ang pagkain ng mga matatamis at mamantika. 

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.