'Buhay, kabuhayan nakataya sa malalang trapiko sa EDSA'

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2019 09:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Idinadaing ng mga health respondent at mga commuter ang kalbaryo sa pagbiyahe sa EDSA lalo't buhay at pagkakakitaan daw ang nakataya rito. 

Batay sa pagkakalkula ng ABS-CBN News, halos tatlong oras ang inaabot ng biyahe mula North Avenue sa Quezon City hanggang sa Makati. 

Alas-8 ng umaga nang umalis ang News team sa North Ave. gamit ang isang ordinary bus. Pagsapit ng alas-9 ng umaga, nasa bahagi pa lang ng Timog Ave. sa Quezon City ang mga sasakyan. 

Inabot din ng higit isang oras ang biyahe mula Timog Ave. hanggang sa tapat ng mga bus terminal sa Cubao. 

Kabilang sa mga bumiyahe si Angelica Deticio, na nakatira sa Quezon City pero nagtatrabaho sa isang mall sa Makati. 

Kuwento niya, alas-11 ng gabi siya nakakauwi at pasado alas-12 naman ang kaniyang trabaho. Pero kailangan niyang gumising bago mag-alas-7 ng umaga para hindi ma-late sa trabaho. 

Tulad ng ilang pasahero, idinadaan niya sa tulog ang pagkainip sa trapiko. Nililibang naman ng ilan ang sarili nila sa pagse-cellphone. 

May ilan na hindi nakatiis kaya umalis ng bus at naglakad na. Mas mainam na raw ito para sa ilan lalo’t may kaakibat na parusa sa mga opisina o sa negosyo ang pagiging late. 

"'Pag na-late ka, mababawasan ka ng suweldo," ayon sa isang pasahero.

Dahil dito, may panawagan si Deticio. 

"Sana masolusyonan na yung traffic para 'yung mga pumapasok sa kani-kanilang mga trabaho hindi na ma-late kagaya ko po," panawagan ni Deticio. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Apektado rin ng kalbaryo ng trapiko sa EDSA ang mga rumeresponde sa mga emergency, kung saan may mga hindi na nakakarating nang buhay sa ospital. 

Kuwento ni Peterson Sescon, hindi na pinalad pang makarating sa ospital nang may pulso ang nirespondehan niyang rider matapos maipit sa mabigat na trapiko ang minamanehong ambulansiya. 

"'Yung 5 to 7 minutes, (na biyahe) umabot ng almost 30 minutes. Pagdating po namin sa patient na nakahiga sa gitna ng highway, negative pulse, negative breathing, unresponsive,” ani Sescon. 

Nag-triple naman ang oras ng biyahe ng ambulansiyang minamaneho ni Bryan Chua para maagapan ng tulong ang pasyenteng hirap sa paghinga. 

"While en route, nawalan siya ng pulso. Sana mas hahaba ang buhay niya pag nabigyan siya agad ng gamot, pag nadala siya agad sa ospital,” ani Chua. 

Kahit naghuhumiyaw ang mga sirena, hirap pa ring makadaan sa kalsada ang mga ambulansiya. 

Gugustuhin mang tumabi, hindi makagalaw ang ilang motorista sa nagsisiksikang mga sasakyan. 

Mayroon namang iilan gaya ng isang sasakyan na nag-counterflow at sinalubong ang isang ambulansiya noong Hulyo. 

Ayon kay Dr. Ferdinand De Guzman, tagapagsalita ng San Lazaro Hospital, mahalagang madala agad sa ospital ang mga emergency na kaso para hindi lumala ang kondisyon ng pasyente. 

"Pag delayed po ito (pasyente) makarating doon (ospital), lalo po magiging grabe ang kondisyon ng patient," ani De Guzman. 

Kaya naman ipinapanukala ng Malacañang na gumamit ng chopper para sa mga medical emergency. 

"Siguro the DOH should consider that too, in relation to public service, perhaps they should include that in the next budget… Or they can ask the help of other agencies that can buy them choppers that can be converted," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo. 

Kaakibat nito, muling ring inihirit ng Palasyo ang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para tugunan ang problema sa trapiko.

Pero sa pagsimula ng pagdinig sa Senado, binatikos ni Sen. Grace Poe ang pagsisi ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa kawalan ng emergency powers kaya hindi nagawa ang mga proyekto ng gobyerno. 

Ayon kay Poe, kaya naman daw solusyonan ang mga problema sa trapiko kahit walang emergency power ng pangulo. Ginamit niyang halimbawa ang pagsasaayos sa Boracay nang walang emergency powers. 

Sa halip, hiniling niya sa DOTr na ilatag ang bawat proyekto, at ipaliwanag kung paano makakatulong ang emergency powers.

-- Ulat nina Raya Capulong at Vivienne Gulla, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.