Sunog, sumiklab sa warehouse sa Malabon

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2018 01:03 AM

Sumiklab ang sunog sa isang warehouse ng plastik sa Mabolo Street, Barangay Santolan sa Malabon Linggo ng gabi.

Ayon sa guwardiya ng nasabing warehouse, bandang 11:30 ng gabi nang makakita siya ng apoy sa pinakadulo ng warehouse. Makalipas lamang ang ilang sandali, sumiklab na ang sunog.

Bukod sa mga plastik na nasa loob ng warehouse, mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang mga istrukturang nasa loob ng warehouse.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, nasa ikatlong alarma na ang sunog. Tumulong na rin sa pag-apula ng apoy ang mga bumbero mula sa ibang lugar.

Inaalam pa ang pinagmulan ng apoy.

- ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.