Lalaking naghahanap ng bayawak, bomba ang natagpuan

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2018 10:04 PM

COTABATO CITY - Isang improvised explosive device (IED) ang natagpuan sa gilid ng kalsada sa Barangay Rosary Heights 1 sa lungsod na ito Lunes ng hapon.

Ayon sa residenteng si Richard Barrientos, naghahanap lamang umano sila ng bayawak, pero imbes na bayawak, pampasabog ang kanilang nakita.

"Nagkuha kami ng kahoy, hinukay namin pagkita namin na bomba nagtakbuhan kami sa taas, nakabalot na, binalikan namin kinunan namin ng camera tapos nagreport kami sa kagawad," aniya.

Ayon sa kapitan ng barangay, walang nakakita kung sino ang naglagay ng bomba sa lugar. 

Pero aniya, may mga hinabol na naka-motor ang mga tanod ng barangay Linggo ng gabi. Nagpabalik balik rin umano ang mga ito sa lugar.

Natagpuan ang bomba ilang hakbang lamang mula sa dating detachment ng sundalo, at sa likurang bahagi lamang ng compound ng Cotabato Light and Power Company.

Ayon sa Explosive Ordnance Disposal team, gawa sa bala ng 60-mm mortar ang natagpuang IED. Mayroon rin itong blasting cap, triggering device, at timer.

"Kumpleto siya. Maaring maraming dahilan kasi kung makikita dito sa improvised sa magpaputok sa blasting cap
malaking granules hindi siya parang pulbura ng baril. Kaya yun ang pwedeng dahilan na pumalya. Kung titingnan ang timer pwedeng matagal na kasi medyo may kalawang na, mga months, malakas ito kasi yung sumabog sa Davao, ganito, dalawang ganito na pinagdikit," paliwanag ni SPO1 Reynaldo Bayal ng EOD team ng Cotabato Police.

Sa bayan naman ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao, isa namang pampasabog ang natagpuan sa isang nakaparadang motorsiklo malapit sa istasyon ng pulis Lunes ng umaga.

Gawa sa TNT, may 9 volts battery, at cellphone ang IED.

Nakuhanan naman sa CCTV ang driver na nag-iwan ng motorsiklo.

Naka-bonnet ito na halos hindi kita ang mga mata at may peklat sa kanang pisngi.

Naniniwala ang mga otoridad na kagagawan ito ng teroristang grupo.

Bago matagpuan ang mga pampasabog, isang bomb drill ang isinagawa sa Cotabato City para matiyak ang kahandaan ng mga awtoridad at responders kasunod ng banta ng pagpapasabog sa Central Mindanao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.