Isa pang korte sa Makati, di muna maglalabas ng arrest warrant vs Trillanes

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2018 03:47 PM | Updated as of Sep 10 2018 09:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa pang korte sa Makati ang tumanggi muna nitong Lunes na maglabas ng warrant of arrest o hold departure order laban kay Senador Antonio Trillanes IV nang walang pagdinig matapos ipawalangbisa ang amnesty na ibinigay sa senador dahil sa dalawang nabigong pag-aalsa noong ito ay sundalo pa. 

Hiniling ng Department of Justice (DOJ) sa Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 ang warrant of arrest at hold-departure order noong Biyernes. Katuwiran nila ay maaari nang ituloy ang mga kaso ng senador dahil wala nang bisa ang amnesty nito.

Pero ayon kay Branch 150 Judge Elmo Alameda, kailangan munang dinggin ang panig ni Trillanes.

Itinakda ni Alameda sa Setyembre 14, Biyernes, alas-9 ng umaga, ang pagdinig para sa urgent motion ng DOJ laban sa mambabatas.

Ipinawalangbisa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Proclamation No. 572, na isinapubliko noong nakaraang Martes, Setyembre 4, ang amnestiyang iginawad noong 2011 kay Trillanes.

Humarap noon si Trillanes sa mga kasong kudeta at sedisyon dahil sa Oakwood mutiny noong 2003 at sa Manila Peninsula incident noong 2007. 

Ang Branch 150 ang humawak sa kasong rebelyon ni Trillanes at ng kaniyang mga kasamahan dahil sa Manila Peninsula siege. Ito rin ang ikalawang korte na nilapitan ng DOJ para humingi ng arrest warrant at hold departure order laban kay Trillanes.

Noong Martes, matapos ilabas ang proklamasyon, humiling din ang DOJ ng arrest warrant at hold departure order laban kay Trillanes sa Makati RTC Branch 148, na humawak naman noon sa kasong kudeta nina Trillanes dahil sa Oakwood mutiny. 

Ipinagpaliban din ng Branch 148 ang paglalabas ng arrest warrant at hold departure order, at nagtakda ng pagdinig sa mosyon sa Huwebes, Setyembre 13.

Na-dismiss ang mga kaso sa parehong korte dahil sa amnesty na ibinigay ni dating Pangulong Benigno Aquino III kay Trillanes.

Samantala, nakatakda namang talakayin ng Korte Suprema sa Martes ang petisyong hinain ni Trillanes laban sa Proclamation No. 572.

Sinabi ni Trillanes nitong Lunes na itutuloy pa rin niya ang imbestigasyon sa security agency ng pamilya ni Solicitor General Jose Calida.

Ayon pa sa senador, paiimbestigahan din niya ang mga nakuhang kontrata ng mga construction firm na pag-aari ng mga kaanak ni Special Assistant to the President Christopher "Bong" Go.

Watch more in iWant or TFC.tv

IBA PANG AMNESTY, MAAARING WALA RING BISA

Puwede ring mapawalangbisa ang lahat ng amnestiyang ipinagkaloob ni dating Pangulong Aquino sa mga sundalong nag-aklas noong sa Oakwood mutiny at Manila Peninsula siege, ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo. 

Iginiit ni Panelo na hindi si Aquino kundi si dating Defense Secretary Voltaire Gazmin lang ang nagproseso, nag-apruba at nagkaloob ng amnesty.

"The power to grant of amnesty as well as pardon is exclusive to the President. You cannot delegate that power to any alter ego," ani Panelo.

["Ang kapangyarihan maggawad ng amnesty, pati na rin pardon, ay sa pangulo lamang. Hindi puwedeng ibigay sa iba ang kapangyarihang iyon."]

Base ang teorya ni Panelo sa liham noon ni Gazmin kay Aquino kung saan sinabi ng dating kalihim na ipinagkaloob na niya ang amnesty sa mga rebelde.

Ayon sa dating tagapagsalita ni Aquino na si Edwin Lacierda, itinuturing ang Defense secretary na alter ego ng pangulo.

Dagdag pa ni Lacierda, maliwanag sa proklamasyon ni Aquino na ang Department of National Defense ang inatasang magproseso ng amnesty.

Ilan sa mga kasamahan ni Trillanes sa pag-aaklas noong 2003 at 2007 ay kasalukuyang nasa gobyerno. Kasama rito sina Magdalo party-list Rep. Gary Alejano, Civil Defense Deputy Administrator Nicanor Faeldon, at MMDA Chairman Danilo Lim. -- May ulat nina Dexter Ganibe, April Rafales at Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.