Cafgu patay sa engkuwentro sa Iloilo

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2018 11:01 AM | Updated as of Sep 10 2018 11:20 AM

Nagpadala ng karagdagang mga sundalo sa Janiuay, Iloilo matapos ang engkuwentro sa pagitan ng militar at mga rebeldeng komunista, na ikinamatay ng isang CAFGU member. Bayanihan Brigade-Panay

JANIUAY, Iloilo - Namatay ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit sa gitna ng engkuwentro sa pagitan ng mga New People's Army at Philippine Army sa bayang ito Linggo ng hapon.

Nagsasagawa ng strike operations ang mga miyembro ng 61st Infantry Battalion nang kanilang makasagupa ang nasa 10 miyembro ng NPA sa ilalim ng Baloy Platoon, Sangay Partido Pampropaganda, Central Front Committee, at Komiteng Rehiyon Panay, ayon kay Col. Benedict Arevalo, brigade commander ng 301st IB ng Army.

Tumagal nang 15 minuto ang engkuwentro. Mabilis namang kumaripas palayo sa barangay ang mga rebelde.

Dalawang NPA naman ang nakitang nasugatan, ayon kay Arevalo. Narekober sa encounter site ang dalawang M-16 at isang AK-47 na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng mga rebelde.

Nag-deploy na ng karagdagang tropa ang militar sakay ng dalawang helicopters ng Philippine Air Force upang tumulong sa pursuit operations.

Ayon kay Arevalo, patuloy silang nasa opensiba upang tuluyan ng matigil ang extortion activities sa mga sibilyan.