Bahagi ng kalsada sa Itogon, muling gumuho

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2018 10:15 PM

Hinahabol ng Department of Public Works and Highways ang pagsasaayos sa mga nasirang kalsada dala ng habagat bago pa man muling may manalasang pag-uulan sa Hilagang Luzon.

“Mahigit 100 ang landslide sa ating provincial roads, kasama na rin diyan ang mga road slips, at eroded road lands,” ani Gov. Crescencio Pacalso ng Benguet.

Sa kabuuan, umabot na sa P119, 356,740 ang halaga ng pinsala sa mga imprastruktura at kalsada sa Benguet, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.

Nitong Linggo, muling gumuho ang lupa sa isang bahagi ng Baguio-Bua-Itogon Road sa Benguet. Apektado nito ang mga bumibiyahe papuntang Antamok. Alternate route ngayon ang Midas Road sa Itogon, Benguet.

“On going pa ‘yung clearing namin doon [mayroong] isang excavator from EMD, isang backhoe loader, tsaka isang dump truck ng DPWH,” ani Engr. Severino Bangasan, Chief ng DPWH Benguet Maintenance Division.

Tuloy-tuloy rin ang pagsasaayos sa Nueva Vizcaya Road sa bahagi ng Beckel, La Trinidad. Tinatayang nasa P50 milyon umano ang paunang gastos para dito.

Bukod sa nasabing kalsada, sarado rin sa mga motorista ang Baguio-Bua-Itogon Road at Kennon Road.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.