Bagyong inaasahan sa Miyerkoles, maaari pang lumakas

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2018 09:18 PM | Updated as of Sep 10 2018 09:34 PM

PAGASA, pinabulaanan ang mga text at social media post ukol sa pagtama ng napakalakas na bagyo

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaasahang papasok sa Miyerkoles sa Philippine area of responsibility (PAR) ang isang bagyo na posibleng maging "super typhoon" habang papalapit ng bansa, ayon sa state weather bureau.

Sa ngayon, ang Typhoon Mangkhut ay may lakas na 150 kilometro kada oras (kph), pagbugsong umaabot sa 185 kph, at bilis na 35 kph. 

Pero inaasahang lalakas pa ito habang binabaybay ang Pacific Ocean papalapit sa bansa.

Sa pagpasok nito sa PAR sa Miyerkoles, maaaring hatakin ng bagyo ang habagat na magdadala ng ulan sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao. 

Lalakas ang ulan sa kanlurang bahagi sa Huwebes. 

Biyernes naman mararamdaman ang epekto ng Mangkhut, na tatawaging "Ompong" kapag pumasok sa PAR, at magdadala ng malalakas na ulan at hangin sa hilagang bahagi ng Luzon.

Naging usap-usapan sa social media ang pagpasok ni Mangkhut dahil sa pangambang maging super typhoon ito.

"Hindi natin isinasantabi na itong si bagyong Mangkhut ay magiging super typhoon pero base sa ating data analysis na ating nakakalap, pinapakita na hanggang typhoon category itong parating na bagyo," ani PAGASA weather forecaster Aldczar Aurelio.

Kapag sinabing typhoon category, may lakas ito na 118 hanggang 220 kph. Ang super typhoon naman ay may lakas na higit 220 kph.

Pinabulaanan naman ng PAGASA ang mga kumakalat sa text at social media ukol sa pagtama umano ng isang napakalakas na bagyo.

Nilinaw ng PAGASA na hindi ito galing sa kanila at mali rin ang marami sa mga detalyeng nasa mensahe.

Nagpaalala ang PAGASA na pagdating sa mga detalye tungkol sa lagay ng panahon, mas mainam na direktang tingnan ang kanilang website o mga social media account.

Ang bagyong "Neneng" naman na kasalukuyang nakakaapekto sa bansa ay huling namataan 150 kilometro sa hilaga ng hilagang-kanluran ng Basco, Batanes.

Lumakas pa ito sa 55 kph at may pagbugsong umaabot sa 65 kph.

Nagbuhos ito ng malalakas na ulan sa Batanes nitong Lunes.

Gumuho rin ang bahagi ng isang bundok sa Uyugan, Batanes.

Nananatili namang nakataas ang signal number one sa buong Batanes.

Base rin sa forecast ng PAGASA, sa umaga ng Martes pa lalabas ang Neneng sa PAR kaya posibleng makaranas ng paminsan-minsang ulan sa Batanes, Babuyan Group of Islands, Ilocos, Cordillera, at Cagayan Valley. --Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.